March 9, 2017

Buhay at Akda ni Balagtas

Francisco Balagtas 1
Francisco Balagtas 2

Ang woodblock print ni Rod Paras-Reyes na pinamagatang “Francisco Balagtas.” Makikita ang ibang woodblock print dito sa pahinang ito.

Talambuhay

Si Francisco Baltazar o mas kilala bilang Francisco Balagtas ay prominenteng makata noong panahon ng Espanyol at hinahangaan pa rin ngayon bilang pinakamahusay na makata dahil sa impluwensiya niya sa ating panitikan. Ang Florante at Laura ang pinakatanyag niyang katha.

Ipinanganak ang makata noong Abril 2, 1788 sa Baryo Panginay sa Bigaa, Bulacan kay Juan Balagtas, isang panday, at kay Juana de la Cruz. Si Francisco ang pinakabata sa apat na magkakapatid. Noong makatuntong siya ng eskuwela, nag-aral siya ng Pilosopiya, Latin, ang mga Klasiko, at Batas Kanoniko sa Colegio San Juan de Letran at sa Colegio de San Jose. Nagtapos siya noong 1812.

Ngunit ang isa sa pinakaimportanteng uri ng edukasyon ay nakuha niya mula kay Jose de la Cruz, alyas Huseng Sisiw. Ito noo’y isa sa mga kinikilalang makata ng Tondo, at nagtuturo kapalit lamang ng ilang sisiw. Nag-aral ng pagsusulat ng tula si Francisco sa ilalim nito at nangakong pagtatagumpayan ang pagkatha ng tula.

Noong 1835, nanirahan si Balagtas sa Pandacan kung saan niya makikilala ang isa sa kaniyang musa na si Maria Asuncion Rivera. Ang tulang “Kay Celia” at ang mga inisyal na MAR ay patungkol ni Balagtas sa nasabing dilag. Kaya lamang ay hindi nagkatuluyan ang dalawa dahil sa hamon na inilatag ni Mariano Capule, isang manliligaw ni Celia. Ginamit ni Mariano Capule ang sariling yaman upang maipakulong ang makata.

Habang nasa piitan si Balagtas, isinulat niya ang obrang Florante at Laura na isang awit na hinugot din sa kanyang pinagdadaanang sitwasyon. Sadyang isinulat niya ang awit sa Tagalog, kahit na ang lahat ng katha noon ay nasa wikang Espanyol.

Nang makalaya si Francisco noong 1838, inilathala niya kaagad ang Florante at Laura. Lumipat siya sa Bataan matapos ang dalawang taon noong 1830 upang manilbihang alalay ng mahistrado. Hinirang din siya bilang tagasalin sa korte. Dito naman pinalad sa pag-ibig ang makata at ikinasal siya kay Juana Tiambeng noong Hulyo 22, 1842 sa isang seremonyas na pinamunuan ni Cayetano Arellano. Biniyayaan sila ng 11 anak ngunit apat lang ang nabuhay tungong katandaan. Noong Nobyembre 21, 1849 kinuha ni Francisco ang apelyidong Baltazar matapos ideklara ni Gobernador Heneral Narciso Claveria ang kautusan na ang bawat Pilipino ay dapat kumuha ng apelyidong Espanyol.

Binigyan siya ng titulo ng tinyente importante noong 1856, ngunit halos kaalinsabay nito ang pagpasok niya sa kulungan dahil sa bintang na inutos niyang kalbuhin ang katulong ng isang mayamang tao.

Muli siyang nakalabas ng kulungan noong 1860 at muli siyang nagsulat ng mga tula habang nagsasalin ng mga dokumento sa Espanyol. Lumipas nang payapa ang dalawang taon, saka pumanaw si Balagtas noong Pebrero 20, 1862 sa edad na 73. Ayon sa mga kuwento, hiniling ni Balagtas sa kaniyang mga anak na huwag silang maging makatang kagaya niya dahil sa pagdurusang dinanas sa patnubay ng kanyang talino. Sinabi din daw nito na mas mainam pang maputulan sila ng kamay kaysa maging mga manunulat.

Gayumpaman, kahit dalawang daang taon na ang lumipas, patuloy na ginagabayan ni Balagtas ang sambayanan sa pamamagitan ng mga obra at tula na kanyang nilikha.

 

Mga Akda ni Francisco Balagtas

1.Orosmán at Zafira – isang komedya na may apat na bahagi;

2.Don Nuño at Selinda – isang komedya na may tatlong bahagi;

3.Auredato at Astrome – isang komedya na may tatlong bahagi;

4.Clara Belmore – isang komedya na may tatlong bahagi;

5.Abdol at Misereanan – isang komedya;

6.Bayaceto at Dorslica – isang komedya a may tatlong bahagi;

7.Alamansor at Rosalinda – isang komedya;

8.La India elegante y el negrito amante

9.Nudo gordeano

10.Rodolfo at Rosemonda

11.Mahomet at Constanza

12.Claus (isinalin sa Tagalog mula sa Latin);

13.Florante at Laura (o “Pinagdaanang búhay ni Florante at ni Laura sa kahariáng Albanya: Kinuhà sa madláng cuadro histórico o pinturang nagsasabi sa mg̃á nangyari nang unang panahón sa imperyo ng̃ Gresya, at tinulâ ng̃ isáng matuwaín sa bersong Tagalog.”), isang auit

Mga Tauhan sa Florante at Laura

1.  Florante – tagapagtanggol ng Albanya at isang mabuting anak ni Duke Briseo

2.  Laura – anak na babae ni Haring Linseo ng Albanya; iniibig ni Florante

3.  Aladdin / Aladin – anak ni Sultan Ali-Adab ng Persiya, isang moro na nagligtas at tumulong kay Florante

4.  Flerida – kasintahan ni Aladin na inagaw ng kanyang amang si Sultan Ali-Adab

5.  Haring Linseo – hari ng Albanya, ama ni Laura

6.  Sultan Ali-Adab – sultan ng Persiya, ama ni Aladin

7.  Prinsesa Floresca – ina ni Florante, prinsesa ng Krotona

8.  Duke Briseo – ama ni Florante; Kapatid ni Haring Linceo

9.  Adolfo – kalaban ni Florante, tinawag na mapagbalat-kayo; malaki ang galit kay Florante

10. Konde Sileno – ama ni Adolfo

11.   Menalipo – pinsan ni Florante na nagligtas sa kanya noong siya ay sanggol pa lamang mula sa isang buwitre

12.  Menandro – matalik na kaibigan ni Florante, pamangkin ni Antenor; nagligtas kay Florante mula kay Adolfo.

13.  Antenor – guro ni Florante sa Atenas

14.  Emir – moro/muslim na hindi nagtagumpay sa pagpaslang kay Laura

15.  Heneral Osmalik – heneral ng Persiya na lumaban sa Crotona

16.  Heneral Miramolin – heneral ng Turkiya

17.  Heneral Abu Bakr– Heneral ng Persiya, nagbantay kay Flerida.